Monday, August 10, 2009
PANALANGIN PARA SA PAGTATANGGOL SA INANG KALIKASAN
Mapagmahal naming Diyos, pinupuri ka namin sa Iyong mga kahanga-hangang nilikha – ang kagandahan ng kalikasan ay nagbibigay ng bagong lakas sa amin, ang sariwang hangin ay nagdudulot ng kalusugan, ang mga halama’y nagbibigay ng pagkain upang patuloy kaming mabuhay, at ang matiwasay na kapaligiran ay ipinagkakaloob mo upang mapayapa kaming mamuhay ayon sa iyong kalooban.
Alam po naming na ang lahat ng Iyong nilikha ay ginawa Mo ayon sa Iyong dakilang pagmamahal, maraming salamat po sa tanang kabutihan!
Mapagmahal naming Diyos, kami po ay dumudulog sa Iyong butihing puso upang pagkalooban Mo po kami ng liwanag ng pasya at isipan – kami nawa ay matutong mangalaga, at huwag sirain ang Iyong likhang-kalikasan. Huwag nawa kaming malinlang ng munting halaga o pansamantalang hanap-buhay kung ang magiging kapalit nito ay magdudulot ng malaking pinsala, sakit na walang lunas at higit sa lahat ay kamatayan sa mga taong maliliit, na magiging biktima ng mga naging gahaman sa kikitaing yaman at sa mapandayang alok ng tinatawag na kaunlaran.
Hipuin Mo po ang bawat isa sa amin upang kami ay magkaroon ng malasakit at pusong nangangalaga para sa kalikasan at buhay. Nawa ang lahat ng aming kakayahan na Iyong ipinagkaloob ay gamitin namin para sa ikauunlad ng aming bayan na walang magiging kapalit na pinsala.
Bigyan Mo po kami ng lakas, tapang at tibay ng kalooban upang ganap naming mapangalagaan ang kalikasan at kapaligiran na siyang salalayan ng aming buhay. Nawa’y ito’y aming maipagtanggol sa mga mapagsamantala at mga mapanlinlang at patuloy kaming magka-isa para itaguyod ang kapakanang panlahat at ang kaganapan ng buhay.
Ang kalikasan – bundok, dagat, bukid, kaparangan, ilog at buong kapaligiran ay pinagmumulan ng aming buhay. Huwag nawa itong masira dahil sa aming kapabayaan at paglapastangan sa biyayang banal.
At sa Iyo Mahal na Ina, aming Inang Maria, patuloy po Ninyong tanglawan ang aming bayan at ilayo sa kapahamakan at tuwirang pagkasira.
Ang lahat ng ito ay aming idinadalangin sa Iyo Ama, sa pamamagitan ni Jesus at ng Espiritu Santo. AMEN
(Ang panalanging ito ay sinulat ni LOIDA PIGON, at sinambit bilang panalangin sa okasyon ng ALAY-LAKAD PARA SA KAPALIGIRAN, na dinaluhan ng mga mamayan ng Tacligan at iba pang Barangay ng San Teodoro, noong Agosto 8, 2009)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment