Monday, October 12, 2009
MGA KATUTUBONG MANGYAN AT ANG PAGMAMAHAL SA KALIKASAN
Tuwing ikadalawang Linggo ng Oktubre, kinagawian nang ating ipinagdiwang ang Linggo ng Mga Katutubong Pilipino. Sa pagkakataong ito, napapanahon na ating mapagnilayan ang kahalagahan at ang pagiging sagrado ng lupa at kalikasan, na ating masasalamin sa katutubong kamalayan at pangangasiwa ng ating mga kapatid na katutubo, ang mga Mangyan sa lalawigan ng Mindoro.
Ang pagpapahalaga sa kalikasan ay higit na kinakailangang bigyan ng higit na diin lalo ngayong ang buong bansa, kasama na ang ating lalawigan ay nahaharap sa banta ng pagkasira ng ating kapaligiran at mga likas na yaman – ang ating mga kabundukan, dagat, ilog, at kapatagan – dahil sa walang ingat na pag-gamit at walang pakundangang pagpapasasa sa nanganganib nang Inang Kalikasan.
Ang nakalulunos na karanasan ng pagbaha sa Maynila na nagdulot ng kamatayan at ibayong kahirapan sa maraming mga mamayan ay pinsalang dulot ng ating kapabayaan at di pangangalaga sa kalikasan, na dulot ng pandaigdigang pagbabago ng panahon o climate change.
Sa pangangasiwa ng kalikasan, mahalagang magkaroon ng pananaw na ang sangnilikha ay sagradong biyaya na handog ng Lumikha. Ang buong sangnilikha ay mabuti (Gen 1:31) at ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang pananagutan upang ito ay pangalagaan, ingatan at paunlarin ayon sa kalooban ng Lumikha (Gen. 1: 26-30). Kaya naman patuloy na binibigyang diin ng Simbahan na ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran ay hindi lamang maituturing na hamon para sa lahat, kundi isang pangkalahatang pananagutan upang maitaguyod ang kagalingang panlahat sa pagtatamasa ng yaman ng lupa (Centesimus Annus, No. 40).
Sa larangang gawaing ito ng wastong pangangasiwa ng ating kapaligiran, nararapat na kilalanin natin ang natatanging kamalayan at kultura ng mga katutubo, ang mga Mangyan, sa kanilang pagpapahalaga at pangangasiwa ng Inang Kalikasan.
Una, para sa mga katutubo, buhay na buhay sa kanilang kaisipan na ang lahat ng yaman ng lupa, at lahat ng nilikha ay nagmula sa isang dakilang kapangyarihan, sa Diyos na lumalang. Kaya nga ang biyayang bigay ay sagrado at hindi dapat lapastanganin dahil ang bawat nilalang ay may taglay na diwa ng maykapal. Kaya nga kinakailangan ang pahintulot ng Lumikha kung magpuputol ng puno, laging may ritwal at panalangin sa panahon ng pagtatanim at pag-aani sa kaingin. Maging ang buong kalikasan – ilog, bundok, dagat, parang – ay may bahaging-buhay ng Dakilang Lumalang.
Pangalawa, dahil sa ang buong nilikha ay biyaya, walang sinuman ang maaring lubos na magmay-ari ng mga bagay sa lupa. Ang lupa ay pag-aari ng Lumikha, kaya ang tao ay gumaganap lang ng tungkulin bilang tagapamahala. Kaugnay nito, anumang pwedeng pakinabangan sa bunga ng lupa ay para sa lahat, dahil ang biyaya ay inilalaan ng Diyos para sa lahat, hindi lang sa iilan. Para sa mga Mangyan, bahagi ng kanilang gawi ang pagbibigayan at isang napakalaking kasalanan ang maging makasarili.
Pangatlo, sa biyayang kalikasan nagmumula ang pangangailangan ng mga katutubo at ginagamit nila ang yaman ng lupa sapat lang sa kanilang pangangailangan. Hindi kinakailangang magkaroon ng higit kaysa sa pangangailangan dahil ang kalabisan ng isa ay maaring mangahulugan ng kakulangan ng iba. Ang ikinabubuhay ay patuloy na di ipinagkakait ng lupa, laging sapat, bakit pa maghahangad ng labis?
Pangapat., Ang lahat ng bagay ay magkaka-ugnay. Kung kung masisira ang kalikasan masisira din ang buhay. Bawat nilalang ay may kanikaniyang papel na ginagampanan sa daigdig na ito. Maaring ang mga halaman at mga hayop ay may papel na kanyang ginampanan para magkaroon ng buhay ang tao rin ay may gampanin dapat gampanan. Ito ay malinaw sa mga katutubo. Ito ba ay malinaw din sa atin.
Marami pang aral ang maaring pagnilayan at halawin sa katutubong kaisipan na higit na tumutugma sa Kristiyanong panawagan sa larangan ng pangangasiwa ng kalikasan. Ang katanungan marahil ay: handa ba tayong matuto mula sa mga katutubo? Kaya ba nating makita na ang binhi ng pananampalataya ay masasalamin natin sa kanilang katutubong pagpapahalaga?
Ayon sa pananalita nng yumaong Papa Juan Pablo II: “Ang batayang kaugnayan ng mga katutubo sa lupa at kalikasan ay dapat laging isaalang-alang, dahil ito ang tanging pagpapahayag ng kanilang pagkatao...Ang mga katutubo ang siyang nagbibigay ng mabuting halimbawa kung paano mamuhay nang may maayos na kaugnayan sa kalikasan na natutunan nilang unawain at pangalagaan.”
Subscribe to:
Posts (Atom)